PHILIPPINE HERBS AND supplements Research database

32,8,0,50,1
600,600,60,1,5000,1000,25,2000
100,300,1,70,12,30,50,1,70,12,1,50,1,1,1,5000
Monographs & Advisories
Data bank
Books & Reviews
Research Tools
herbs.ph
Plant name Akapulko
Siyentipikong pangalan Senna alata/ Cassia alata
Karaniwang pangalan Akapulko, andadasi, asunting, bayabasbayabasan, bikasbikas, bunibuni, gamot sa buni, kabogisbogis, kapurko, kasitas, pakayomkom kastila, palotsina, paralusina, ringworm bush, sunting
Gamit na may endorso ng Department of Health (DOH) An-an, buni, hadhad, o alipunga
Magdikdik ng sapat na kakailanganing sariwang dahon ng akapulko.
Ipahid ang katas sa apektadong balat 2 beses maghapon. Gawin ito araw-araw sa loob nang 3 linggo upang tuluyang mapuksa ang fungus (mikrobyo) na sanhi ng an-an, buni, hadhad, o alipunga.
Parating panatilihing tuyo ang balat.
Huwag maghiraman ng medyas at tuwalya.

Paalaala: Kung may allergy sa katas ng sariwang dahon ng akapulko, gumamit ng lang ng pinagpakuluan (decoction/ dekoksiyon) ng dahon. Pakuluan ang 1 baso ng ginayat na sariwang dahon sa 2 baso ng tubig hanggang 1 baso na lang ang natira. Gamiting panghugas sa apektadong balat 2 beses maghapon. Gawin ito sa loob nang 3 linggo.
Iba pang gamit na kapakipakinabang Galis aso (kurikong/ scabies)
Magdikdik ng sapat na dami ng sariwang dahon ng akapulko.
Bago matulog, maligo o magpunas ng buong katawan. Ipahid ang katas sa buong katawan maliban sa mukha. Gawin ito sa loob nang 3 magkakasunod na gabi upang tuluyang mapuksa ang galis aso.
Gawin rin ito para sa lahat na nakatira sa bahay upang hindi magkahawaan.
Ibilad ang mga banig, unan, at kumot upang tuluyang mawala ang galis aso sa bahay.
Labhang mabuti ang mga damit.
Gamit sa tradisyonal o katutubong panggagamot MAAARING MAKATULONG
Ang pagpapahid ng katas ng dahon ng akapulko para sa singaw.
Ang pag-inom ng pinagpakuluan ng dahon para sa pagtitibi. (Ayon sa ASEAN: Pakuluan ang 1 dakot na tuyong dahon [12 dahon o leaflet] sa 2 baso ng tubig. Inumin ang 1 baso ng pinagpakuluan sa gabi. Huwag gamitin nang higit sa 7 sunodsunod na araw).
Popular na gamit KAILANGAN PA NG PANANALIKSIK
Ang paggamit ng dahon para sa diabetes.

HINDI REKOMENDADO
Ang paggamit ng akapulko bilang pampapayat.
Mag-ehersisyo at magdiyeta kung nais magbawas ng timbang.

Gamit bilang pagkain  
Ibang gamit Ornamental. May matingkad na dilaw na bulaklak.
Insect repellent.
Insecticide.

Saan matatagpuan at paano itinatanim Matatagpuan sa mga parang, lupang tiwangwang, tabing bukid, at tabing daan. Itinatanim sa bakuran bilang ornamental at gamot. Buto, murang sanga, o magulang na sanga ang gamit na pananim.

Dagdag na impormasyon Maaari ring gamitin ang preparasyong ointment para sa an-an, buni, hadhad, o alipunga; gayundin para sa galis aso.

Ang akapulko (Senna alata/ Cassia alata) ay kasama sa pamilya ng halaman na kinabibilangan din ng kanya pistula (Cassia fistula) at balatong aso (Senna occidentalis). Pawang ginagamit sila sa an-an o buni sa tradisyonal na paggagamot; gayundin para sa pagtitibi.
Pinagsanggunian ASEAN 2014; BFAD 2005; Cortes-Maramba 1981; Dayrit 2014; Galvez Tan 2014; PITAHC Undated; Quisumbing 1978; TKDL 2015.