PHILIPPINE HERBS AND supplements Research database

32,8,0,50,1
600,600,60,1,5000,1000,25,2000
100,300,1,70,12,30,50,1,70,12,1,50,1,1,1,5000
Monographs & Advisories
Data bank
Books & Reviews
Research Tools
herbs.ph
Plant name Bawang
Siyentipikong pangalan Allium sativum
Karaniwang pangalan Ahos, bawang, garlic
Gamit na may endorso ng Department of Health (DOH) Hypercholesterolemia (mataas na lebel ng cholesterol sa dugo)
KAILANGAN NG PAGSUBAYBAY NG MANGGAGAMOT.
Magpakonsulta sa health center para alamin ang karamdaman, at ang paggagamot sa hypercholesterolemia, kabilang na ang paggamit ng bawang bilang tulong sa pagkontrol ng lebel ng cholesterol sa dugo.
Maaaring ipayo ng manggagamot na kumain ng 2 o 3 butil ng bawang (binabad sa suka, binanlian, inihaw, o iginisa sa kaunting mantika) 3 beses maghapon kasabay ng agahan, tanghalian, at hapunan. Sundin ang payo ng doktor sa pag-inom ng gamot, sa pagdidiyeta, at sa pag-eehersisyo.
Iwasan ang mga pagkain na nakakapagpataas ng lebel ng kolesterol katulad ng taba, balat ng manok, aligi, at iba pa. Kumain ng sapat na gulay at prutas katulad ng sibuyas, kutsay, okra, pinya, at marami pang iba pa.
Iba pang gamit na kapakipakinabang Pag-iwas sa sakit
> Upang mabawasan ang tsansa na magkaroon ng alta presyon, sakit sa puso, atherosclerosis, diabetes, ilang klase ng kanser, at iba pang sakit, ugaliin ang pagkain ng sapat at sarisaring prutas at gulay, gayundin ng mga buto (beans, grains, nuts), at lamang ugat (root crops) araw-araw.
>Maging gawi ang malusog na pamumuhay (healthy lifestyle) katulad ng pag-eehersisyo, pagtulog nang sapat, paglilibang upang mabawasan ang stress, hindi paninigarilyo, at iba pa.
Gamit sa tradisyonal o katutubong panggagamot MAAARING MAKATULONG
*Ang pag-inom ng pinagbabaran (infusion) ng bawang para sa kabag o impatso (2 o 3 butil ng bawang na dinikdik at at ibinabad sa 1 baso ng mainit na tubig).
*Ang pag-inom ng katas para sa ubo o sipon (2 o 3 dinikdik na butil ng bawang kasama ng kaunting honey).
*Ang pagpapahid ng katas ng dinikdik na butil 3 beses araw-araw sa loob ng 3 linggo para sa buni.
*Ang pagpapahid ng katas ng dinikdik na butil para sa pangangati o kagat ng insekto.
*Ang pagtatapal ng dinikdik na butil para sa sakit ng ulo o sa rayuma.

KAILANGAN PA NG PANANALIKSIK
*Ang paggamit para sa bulate, galis aso, o tuberculosis (TB).
*Ang paggamit bilang gamot altapresyon, bilang pampaihi, o bilang proteksiyon sa ugat (blood vessel).
*Ang paggamit para sa sakit ng ngipin.
*Ang paggamit para sa sa impeksiyon sa puerta (vaginal candidaiasis) o sa sugat.

HINDI REKOMENDADO DAHIL SA POSIBLENG PANGANIB
* Ang paggamit para sa kagat ng aso.
Isang emergency ang kagat ng aso. Kagyat na hugasan ng tubig at sabon ang sugat. Dalhin agad sa doktor ang nakagat ng aso.

Popular na gamit  
Gamit bilang pagkain Ang ulo (bulb) ng bawang ay may katamtamang iron, vitamin B, at protina. Ang dahon ay mayaman sa vitamin C at may katamtamang vitamin A, iron, at calcium. Ang bawang ay may tanging lasa na nagbibigay ng linamnam sa ginisa at iba pang lutuin.
Ibang gamit Insect repellent.
Saan matatagpuan at paano itinatanim Itinatanim sa mga bukid bilang cash crop. Itinatanim din sa mga paso at bakuran. Butil (bulblet) ng bawang ang gamit na pananim.

Dagdag na impormasyon Laganap sa mga kulturang Pilipino ang paniniwala o pagbibiruan na takot sa bawang ang aswang.

Ang bawang (Allium sativum) ay kasama sa pamilya ng halaman na kinabibilangan din ng sibuyas (Allium cepa), sibuyas tagalog (Allium ascalonicum), at kutsay (Allium ramosum). Pawang ginagamit sila na tulong sa malusog na puso at ugat sa tradisyonal na paggagamot.
Pinagsanggunian ASEAN 2014; Co 1989; BFAD 2005; Cortes-Maramba 1981; Dayrit 2014; FNRI 1997; Galvez Tan 2014; PITAHC Undated; Quisumbing 1978; TKDL 2015; WHO 1999.